Sa mundong iyon, doon kita hinatid: sa malamig na simoy ng gabi, sa kapayapaan ng dilim, sa katahimikan ng ngiti. Iyon lang ang naaalala ko. Wala akong alaala ng mga nakaiinggit na pangyayari tulad ng mahusay na naisusulat ng ibang manunulat na umibig. Wala akong alaala ng pagsandal mo sa aking balikat, o pagkkrus ng ating kamay. Hindi nangyari ang mga iyon sa maikling yugto na kung saan sandaling nagtagpo ang magugulo nating kuwento. Isang alaala lang ang tumatak sa akin, at sapat na iyon para ako’y mapangiti, kahit isang saglit, bago habulin ng kalungkutan at katotohanan…
“Dito na ako,” wika mo.
“Sige.”
Nariyan ka na sa paroroonan mo. Tatalikod na ako, patungo sa pinanggalingan. Kung makapaglakad ulit tayo ng ganoon, titignan ko ulit ang iyong mga mata. Marahil malulungkot ka dahil hindi mo mababalik ang nararamdaman ko. Kung kaya’t sa sandaling iyon, ito ang iparirinig ko sa’yo: “ok na ako sa paglalakad.”