Maraming nagsasabing nagbabago na ang misyon ng Simbahan.
Hindi na ito upang ikalat ang salita ng Diyos sa mga hindi pa naabot ng simbahan. Mabuti na ang nagawa ng mga santo at misyonaryo natin noong nakaraang ilang daang taon upang madala sa atin at sa maraming parte ng mundo ang relihiyon, katolisismo, kristiyanismo, paniniwala sa iisang Diyos. Marahil ang misyon na ngayon ay buhayin muli ang namamatay na alab ng spiritualidad.
Nagsimula si Mr. Roy Tolentino noong Prayer Day sa tanong kung ano nga ba ang Spiritualidad? Maraming lumabas na sagot, isinagot ko noon ang narinig kong sagot noong OrSem: kumpara sa relihiyon, na communal relationship with God, ang spiritualidad naman ang indibidwal na relasyon sa ating Diyos . Dinagdagan ni Sir Roy ang sinabi ko: hindi posible ang spiritualidad kung walang relihiyon.
Ibinuksan namin ang Prayer Day ng AtSCA sa buong LS dahil sa nakababahalang bilang ng nakakaalam kung ano nga ba ang Ignatian Spirituality.
Ilan nga ba sa atin ang nakakaalam kung ano ang Ignatian Spirituality?
Ilan nga ba sa atin ang may pakialam pa?
Sekularismo. Atheismo. Ito ang uso ngayon. Ito na ang kalaban ng simbahan, hindi na paganism, hindi na animalism o mysticism.
Nagpatulong kami sa CMO at inanusyo nila ang event sa InTACT at NSTP, subalit walang nagsign-up na non-AtSCAn.
Dahil dito, napadasal ako.
Nagdasal ako dahil masakit.
Sino ba naman ang pupunta sa seminar tungkol sa pagdarasal, sa kasalukuyang panahon?
Masakit dahil mahal natin Siya. Subalit ano pa nga ba ang magagawa natin maliban sa magpatuloy sa laban?
Sa akto ng pagdarasal dalawa ang pag-asang isinusulat mo sa iyong puso: una, na may Diyos, pangalawa, na mapagmahal ang Diyos na ito. Sa akto pa lang ng pagdarasal inihahayag mo na ang iyong pananampalataya. Masakit minsan ang pagdarasal, masakit minsan umasa sa Diyos, masakit minsan magmahal – lalo na kapag hindi nasusunod ang gusto mo.
Subalit hindi ba iyon ang punto ng kahit anong pag-ibig? Ang paglampas sa sariling kagustuhan?
Sino ba ang mas may alam ng makabubuti kung hindi ang Diyos? Sa Gethsemane nagdasal si Hesus, lumuhod, umiyak, nagmakaawa. Subalit tinapos niya ang kanyang pagdarasal sa mga salitang: “Not my will, but yours.”
Kung nagdarasal ka, sinasabi mo sa iyong sarili na may Diyos nga at minamahal ka ng Diyos mo. Kung ganoon, ang pagdarasal din ay pagbibigay tiwala, tiwala na kung hindi man eksaktong ang kagustuhan mo ang masunod, magiging mabuti pa rin ang lahat sapagkat naniniwala kang kagustuhan Niya ang mananaig, at naniniwala ka na kung ano man ang gusto Niya, iyon din ang makabubuti.
Ilang beses na akong nasaktan dahil hindi nasunod ang kagustuhan ko. Nagdasal ako na sana maging magaling na basketball player ako, at ginawa Niya akong school varsity – sa chess. At natulungan ako ng chess na gumaling sa lohika, na nagamit ko sa mas maraming bagay kumpara sa basketball. Nagdasal ako na sana maraming maabot ang Prayer Day event, at ginawa Niya kaming kaunti. Dinala Niya kami sa misa ng komunidad ng Jesuit Volunteers of the Philippines (JVP), at naipakilala kami sa isang komunidad na masasabing nakapagsakripisyo ng mas mabigat para sa Diyos at Bayan. At dahil din kakaunti kami, naibahagi namin ang aming pagkain, at nagkaroon ng munting salo-salo ang komunidad ng JVP at AtSCA. At tulad noong pinarami ni Hesus ang tinapay sa bibliya, pagkatapos ng salu-salo ng dalawang komunidad, marami pang natirang pagkain at inumin.
Magaling ang Diyos. Masarap mag-alab sa pagmamahal ng Diyos. Ika nga ni Horacio dela Costa (ibinanggit ni Sir Roy): “Too Good to be False.”
“Finding God in all things.” Nasabi ni Sir Roy na parte ito ng Ignatian Spirituality. Ipinakilala sa amin ang isang komunidad na nagkaroon ng mas malaking pagtataya at pagsasakripisyo para sa Diyos at Bayan. Tayo naman kaya, bilang AtSCAns? Ano ang nagawa na natin? Ano ang ginagawa natin? Ano PA ang kaya nating gawin?
Kilala natin ang Magis bilang Excellence, pero ayon kay Sir Roy, ang Excellence ay produkto lamang ng Magis. Magis is doing more. Tatlo ang itinatanong ni San Ignacio noong panahon niya, at maaaring mainam na mapag-isipan natin ito bilang AtSCAns: “What have I done for God? What am I doing for God? What MORE can I do for God?”
Sa huli, kahit ano pa ang isulat ko dito, kahit ano pa ang sabihin ni Sir Roy o sino mang speaker, kahit gaano man karaming proyekto ang ibukas o i-organisa sa LS, gaano man katindi ang pangangarap at paghahatak ng mga organisasyon o relihiyon – ikaw ang may responsibilidad na hanapin at paigtingin ang iyong spiritualidad, at sa nakikita natin sa kasulukuyang panahon, lumalampas sa sarili lamang ang responsibilidad na ito.